Essay Example, Alternative Learning System
Topic: Ano ang kahalagahan ng Edukasyon?
Author: Albert Cueva
Edukasyon: Susi, Tulay, Hagdan at Sandata sa Pagkamit ng Tagumpay
Para sa akin, ang edukasyon ay katumbas ng imbisibol na susi, tulay, hagdan at sandatang panghabambuhay na bitbit ng bawat isang mayroon nito na magagamit sa kani-kanilang paglalakbay at mga labang kakaharapin sa buhay.
Susi ang edukasyon sa bawat pinto ng mga oportunidad. Kung tayo ay mayroon nito, magagawa nating mabuksan ang mga pagkakataong tamasahin ang mga magagandang bagay na pinapangarap ng karamihan.
Hindi palaging patag ang lalakaran nating daan patungo sa ating mga mithiin. Sa mga pagkakataong mahihinto tayo dahil sa mga bangin at ilog na babalakid sa ating paglalakbay, ang edukasyon ang magsisilbing tulay upang tayo ay makatawid at makarating sa ating mga patutunguhan.
Sadyang hindi abo't-kamay para sa lahat ang ating mga ninanais sa buhay. Ngunit kung tayo ay edukado, mayroon tayong magagamit na hagdan sa pag-abot ng matataas na baitang ng ating mga pinapangarap.
Bawat isa sa atin ay mayroong sariling labang kakaharapin sa buhay. Anumang laban ito ay mas masisigurado natin ang tagumpay kung tayo ay mayroong gamit na armas. Ang edukasyon ang pinakasubok at pinakamalakas na sandata sa anumang labang susubok sa atin dahil ito ay hinubog ng panahon at pinatibay ng ilang taong pagsisikap ng nagmamay-ari nito.
Tunay ngang ang edukasyon ay isang kayamanan at kagaya ng mga pisikal na kayamanan, ito rin ay may katumbas na halaga batay sa uri ng kalidad nito. Ganoon din dapat ang taglay nating edukasyon, kailangan nating pataasin ang kalidad nito at lalo pang pagyamanin upang mas maraming pinto ng oportunidad ang ating mabuksan; malampasan ang lahat ng mga balakid sa ating paglalakbay; maabot ang ating mga pangarap; at, maipanalo ang bawat pagsubok at labang ating kakaharapin sa buhay.
This literary work is protected by the Intellectual Property Rights of the Philippines. Learn More →
tama :D
ReplyDeleteWow ang ganda ng essay❤️
ReplyDeleteSalamat��
big check :)
ReplyDeleteWow tumpak talaga
ReplyDelete