Essay Example: Fraternity

Essay Example, Alternative Learning System

Topic: Ano ang iyong pananaw sa pagsapi sa kapatiran o fraternity?
Author: Albert Cueva

Ang Aking Pananaw sa Pagsapi sa Kapatiran o Fraternity

Kadalasang negatibo ang iniiwang impresyon ng salitang fraternity dulot ng kadikit nitong imahe ng hazing na pamamaraan ng ilang grupo sa kanilang pagtanggap ng mga bagong kasapi. Ang marahas na gawaing ito ay isang sensitibong isyu ng ating lipunan at patuloy na tumatawag ng atensyon ng publiko sa tuwing may napababalitang binawian ng buhay mula sa mga kasaping sumailalim dito. Dahil sa mga maling gawain ng ilang grupo ay naging pangkalahatan na ang larawan ng hazing sa lahat ng fraternity at tuluyan nang natabunan ang tunay na kahulugan at ang mga benepisyo ng pagsapi rito.

Ang fraternity ay karaniwang samahan ng mga kalalakihan sa mga unibersidad o kolehiyo. Maaari ring binubuo ng mga propesyunal na mayroong magkakahalintulad na interes o nasa magkakatulad na industriya lamang. Sorority naman ang katumbas na katawagan para sa mga kababaihan.

Personal kong naranasan ang makailang ulit na maimbitahang sumapi sa fraternity. Mayroong pagkakapareho ang mga bentahe nilang benepisyo katulad ng pagkakapatiran(brotherhood); pagtutulungan sa akademiko, espirituwal, emosyonal at maging sa aspetong pinansyal; at ilang mga proyekto para sa kumunidad. Mayroong ilang grupo ang hindi man tuwirang kinumpirma ang tungkol sa proseso ng hazing ay mababatid sa paraan ng kanilang pagsagot at pagtalakay sa isyung ito ay kumbinsido akong isinasagawa nila ito. Samantala, ang ilang grupo naman ay tahasang itinatanggi ang tungkol dito at naninindigan sa mabuting adhikain ng kanilang samahan.

Sa aking pananaw ay marami pa ring mga lehitimo at responsableng grupo ng fraternity. Ngunit sa kabila ng paniniwalang ito at ng mga benepisyong maaaring maidulot sa aking pagsapi ay pipiliin ko pa ring hindi umanib sapagkat ang pagsapi sa ganitong samahan ay may kaakibat na karagdagang responsibilidad at mga pagkakataong kailangang paglaanan ng oras na alam kong hindi ko palagiang magagampanan dahil sa aking mga kasalukuyang responsibilidad. Mas pipiliin kong pahalagahan ang aking oras sa pagtupad ng aking mga pampamilya at personal na responsibilidad kaysa makunsumo sa pagtupad ng aking magiging tungkulin o partisipasyon sa aaniban kong fraternity. Isa rin sa aking mabigat na kadahilanan ay ang posibilidad na pagdulot nito ng pangamba sa aking mga magulang at hindi ko ito kailanman nanaising mangyari.

Hindi kakulangan ng isang tao kung wala itong kinaaanibang fraternity, ito ay opsyonal lamang. Tunay ngang nakakapanghinayang ang ilan sa mga benepisyong maaaring makuha sa pagsapi sa fraternity ngunit buo ang aking paniniwalang makakamit din natin ang mga ito sa ating sariling motibasyon at pagsisikap.

This literary work is protected by the Intellectual Property Rights of the Philippines. Learn More →

1 comment:

  1. malaking tulong po ito saking pagpapalago sa paggawa ng essay kasabay ng aking pag aaral sa ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM
    nag komento;tunay na pangalan;Joseph Regino A. Castillo

    ReplyDelete